Miyerkules, Abril 29, 2015

Ang Diary Ng Batang Ama: Ang Pagkamulat

Dear Diary,

Ako po si Adrian, 18 taong gulang. Nakatira sa komunidad na lakwatsa ang prayoridad,chismis ang 
almusal, paninira ang pananghalian, meryenda ang gawa-gawang storya, at hapunan ang paglaganap
ng nakalap na chismis sa buong mag-araw. Kung minsan naman, di-magkamayaw na paninira ang pinupulutan ng mga kapitbahay ko. At uso rin pala dito sa amin ang katagang kapag-mayaman-ka-marami-kang-kaibigan , ngunit kapag nakatalikod ka may pahabol pang paninira-dahil-hindi-nagpapautang-si-Manang.
Bago po ako lumipad sa kawalan at makalimutan, nakabuntis po ako sa murang edad ko pa lang. Malapit na po sana akong magtapos mga dalwang taon na lang ngunit nangyari nga ito. Mga kapitbahay, kaklase, at pati mga kaibigan ko ay ibang-iba na ang tingin sa akin. Tila bagang may malaki akong kasalanan sa kanila. ‘Di ko po sinadyang matuso, at matukso sa kapusukan ng pagiging binatilyo.Laking dismaya ko, mga kaibigang tinuring ngunit parang buweltre na kinakain ang sariling  ka-uri.
Araw-araw at gabi-gabi po akong nagpapatawad sa Kanya.Dinadalangin na sana makayanan ang sakit at hapding nadarama dulot ng mga mahapding nakikita, nipis ng hangin na nadarama  at nakakabinging tinig na naririnig. Marami na ring gabing hindi ako nakakatulog at mga araw na sumisiklabo ang puso ko hanggang sa makatulog ako. Sising-sisi na po ako. Di ko na po alam ang gagawin. Daig ko na po ata ang call center agent na nasa graveyard.
Sumagi po sa isipan ko at isipan niya, na ilalalaglag nalang ang bata para walang problema. Sa ganitong paraan, aakalain pa at iisipin pa ng tao na may delecadeza pa ang girlfriend ko at dalaga pa. Matatakpan sana nito ang kasalanang bunga ng aming pagtatago sa lilim ng liwanag. Ngunit, di  po kaya ng konsensya ko. Kaya’t tatayuan ko nalang ang maagang responsibildad na ito kahit di ko alam paano. Kahit di ko alam kung saan ako magsisimula. Kahit di ko alam kung kakayanin ko ba.
‘Di po ako pumatay ngunit sa ginagawa nila ay parang ako ang kanilang pinapatay. Imbes na hangaan nila ang pagiging matapang ko , imbes na tulungan ako ng mga noo’y tinawag kong “kaibigan” ay ‘di ‘ko maintindihan kung bakit tila sila pa ang tumutulong sa aki’y  humila pababa. Kaibigan na “n” ang hulihan, na akala ko’y ang ibig sabihin ay “n-apagkakatiwalaan”,”n-asasandalan”, at “n-aasahan” bagkus, isang malaking kalokohan lang pala. Dahil ang tunay na kahuulgan nito’y “n-aninira”,”n-akakamatay”,at “n-anunuklaw”. Pahabol pa, alam nyo ba ang tunay na kahulugan ng KAIBIGAN? Sige, ibibigay ko:
K-aw
A-ng
I-babaon
B-abasurahin
I-lalalaglag
G-agaguhin
A-t
N-ang-iiwan

Wala naman po akong sinasabing galit ako sa aking mga tinawag na kaibigan. Ngunit sadyang mali pala ang magtiwala sa mga taong bago mo lang nakilala at ibibigay mo na lahat ng tiwala mo. Kailangan mo rin palang magtira para sa sarili mo. Dahil bawat isa sa tinawag mong kaibigan ay tila may pagka-hayop ang aspeto. Mayro’ng leyon: sila yung mga kaibigan mong napakatapang kapag may kaharap kayong kalaban ngunit palihim at handa kang sakmalin sa likod kahit anong oras. Mayro’n din palang Buweltre: sila yung mga kabigan mong hilig mamulot ng mga usapang “wala na dapat” at “patapon” nang mga usapan. Pilit binabalik-tanaw upang may mapag-usapan lang. At syempre, di mawawala ang ahas: Ang mga kabigan mong ito ay minsan yung mga pinakamalapit sa ‘yo, maaring matalik na kaibigan o kababatang kaibigan. Akalam mo’y mapagkakatiwalaan ngunit tutulong pala sa buweltre’t leyon. Tutuklawin ka sa sitwasyon dehado’t di mo na kayang bumangon.

Nahirapan po akong sabihin ito sa aking magulang. Kasi naman, alam kong magagalit sila sa akin. Magiging pabigat lang ito at ako sa aming pasanin. Malaki ang expectations ng mga magulang ko sa akin. Siyempre, eldest eh, inaasahang ako ang makakabangon sa aming kahirapan ngunit tila nagkanda-leche flan na ang labas nito. Umasa sila noon na magiging Engineer ako, ngunit naglipstick ang dulo ng tinta ng bolpen ng aking propesor kaya’t napilitang lumipat. Sunod-sunod ang mga pangyayari. Masyadong mataas ang lipad ng ibong hamog at nakalimutang hindi pala siya isang agila. Hindi kami mayaman, salat kami sa magarang kotse, sa Samsung Galaxy, sa kompyuter at laptop, aircon,  at marami pang iba. Noo’y kasyang-kasya lang ang pambayad na matrikula ng aking mga magulang, ngunit ng lumao’y nahirapan si tatay kumita kaya’t napilitan akong lumipat kalaunan. Scholarship ba? DOST: Nasubukan ko na po ito, mahirap kami ngunit medyo may utak naman ako. Kaya laking gulat ko ng makapasa ang kaklase kong uhugin sa klase’t mayaman pa. CHED: Napakarami ng qualifications at requirements. Talo pa ang pila sa LRT at MRT sa haba ng kukunin. Deadline ay napakaikli pa’t nakakahabol lang ang may kapit. Other Scholarships: Nalaman kong kapag may nagpakilala sa iyo sa isang kongresista o sa inyong kapitan, ay mapapadali ang pagproseso ng iyong mga papeles ngunit kung wala, naku! Magsindi ka nalang ng kandila.
Isa na po akong nurse student ngayon . Pero bago pa naging nurse student, naging estudyante muna ako ng engineering, paharmacy, at education. Dami kong course ‘no? Ngunit sa bawat kinuha kong kursong ‘yon,halos ay  lahat bumagsak ako kaya napilitan akong magshift ng magshift hanggang maging nars student. Tsaka pala, sa mga  hulihan kong kurso, hindi ako bumagsak dahil nahirapan ako sa kurso kundi nagkukulang ang panustos ng aking mga magulang na marami at malaki ang expectations sa kanilang panganay. Araw-araw po akong bumibiyahe, mula tricycle,jeepney, at hanggang sa MRT. Mas ‘di po kasi namin afford ang mag-boarding house kasi ubod ng kumikinang na ginto ang kailangan.
Galing ako sa premyadong unibersidad ng lungsod ngunit ngayon andito nalang ako sa probinsyang kolehiyo na kung saan, lahat ay outdated.Hindi po masyadong kilala ang aking kolehiyo ngayon, at sumasandal lang sa lilim ng pangalang unibersidad sa lungsod. Hindi po karamihan ang populasyon dito. At madali lang makakuha ng malalaking marka.  Galing po ako sa unibersidad, kung saan ang flat one ay napakahirap hagilapin kahit sa P.E. ay madalas mo lang masulyapan. Kaya naman, hangang-hanga ako ng may nakilala akong Dean’s Lister sa aking pinapasukan ngayon. Ngunit, ganun nalang ang pagkadismaya ko ng malamang, wala palang kahit anong benepisyo ang pagiging DL sa kolehiyong ito. Ang DL ay kataga lang pala upang ikaw ay maging pamoso, pandagdag sa halimuyak ng iyong pangalan, at sukatan na hindi ka low IQ.



Sa susunod na dalawang buwan, magiging ama na ako. Sa susunod na dalawang buwan magiging estudyante na sana ako ulit. Amang hindi alam kung ano ang gagawin. Amang biktima ng mapusok na damdamin. Amang biktima ng bulyaw ng komunidad. Amang sinakluban ng kaliwa’t kanang batikos. Daig pa si Hayden Kho sa eskandalong pinagpipiyestahan ng isang kapuluan. Amang walang kamuwang-muwang pa’no sumabat sa batikos ng hangi’y sa aki’y nakapalibot.
Estudyanteng dumaan sa maraming depresyon dahil sa kanyang mga madugong  marka. Labing-pintado na numero sa transcript na bunga ng pagiging terror ng guro. Gurong may pabor, gurong nabubuhay sa yaman ng estudyante’t pinapakain ng ginto’t pilak. Estudyanteng noo’y sideline ang DOTA’t hawak ang mouse ngunit tila ang hahawakan na’y dede ng bata. Estudyanteng paghahanap ng “X” at “Y” sana ang aatupagin ngunit ngayo’y  panglaman-tiyan na ang dapat hanapin.
Ang mga pinalalabas at tintingnan kong mga telenobela noon na Anghelito, Katorse, atbp. Ay nangyayari na sa akin ngayon. Noon, alam na alam kong bawal ang BAWAL. Alam ko ang kaibahan ng tama at mali. Ngunit ngayong andito na ako sa sitwasyong ito, masasabi kong iba pala talaga ang telenobela sa reyalidad. Iba pala talaga ang buhay sa likod ng kamera’t pag-aartista. Dito, walang script, ikaw ang director ng sarili mong buhay-telenobela. Ikaw ang bida sa sine mo, ngunit lahat ng nakapalibot sa iyo’y atribida. Gustong umagaw sa pwesto ng pagiging bida mo. Daig pa nga minsan si Robin Padilla sa action stunts: yung tipong aksyon na lumalakad ng bawat bahay ang atribida upang ikalat hanggang sa kabilang baryo ang nadakip ng kanyang sariling  hearing aid na galing namang China.

Alam nyo po, saludo po ako sa mga babaeng naging batang ina kesa sa mga babaeng nagpapalaglag para lang matawag ang sariling DALAGA. Babaeng ang kakapal ng lipstick  at liniligo ang mukha sa harina upang matakpan lang ang mga bunga ng overtime sa kakatext, facebook, at twitter. Mga babaeng bago pumunta sa eskwelaha’y nahuhuli sa klase dahil halos isang oras nakababad sa harap ng salamin. Tila panlalalaki lang ang aatupagin at hindi edukasyon.
Sa simbahan naman, ang masasabi mong isa mo pang tahanan. Umaasa ako na kahit papano’y mabubusog ako ng salita Niya. Pero sa ibang salita pala ako nabusog. Mga kapatid kung tawagin, sila pa ang bulong ng bulong sa likuran na halatang may nais na patamaan. Mga kapatid na sanay pagagaanin ang loob mo ngunit paglingon mo’y mga walang puso’t damdamin pala. Lumalapit kapag sila’y may nais ngunit kapag walang nais ay bumabagyo ng chismis paglabas sa simbahan. Sa halip na makinig sa salita Niya, ay gumagawa rin sila ng kanilang sariling mensahe-sosyolohikal. Hanep diba?
Kilala ako sa bago kong eskwelahan, matalino raw kasi ako, gwapo, at ‘di mapagmataas. Kaya naman marami akong naging kaibigan. Akala ko nga kaibigan talaga habol nila, ‘yun pala gusto lang nilang kumapit. Kumakapit ang iba para sa pagiging pamoso. Ang iba naman, sipsip ng sipsip talo pa ang janitor fish para lang makakopya sa mga exams at quizzes upang makapasa lang. Ngayon? Nasa’n na nga ba sila? Mi anino, wala akong makita. Kaibigang tinuring, nawalang tila bula sa hangin.

Isa pa, pangalawang magulang ang tawag sa kanila. Inaasahan ko sanang tutulungan nila ako upang kahit papano’y gumaan ang aking nadarama bagkus, mali ako! Isa, sa isa, sa isa. Bawat pangalawang magulang ay pareho lang ang buod at laman. Bulyaw, kantsaw, masyadong atat, pagmamaliit, sisi, at malibog – ilan lamang yan sa kanilang mga sinasabi. Ang iba’y kakaiba din ang introduksyon, malumanay at tila malamig ang simula ngunit sa gitna’t huli ay papanain ka rin ng kanilang dilang matalas pa sa pangil.
Ano pa bang gusto niyo? Nagsisisi na ako. Kahit ano pang sabihin niyo, di na mababalik ang kahapon. Bakit di niyo ako tinutulungan. ‘Di nyo alam kung anong nararamdaman ko! Isang dukha’t biktima lamang ako ng mga salitang ‘di magkamayaw sa hangin. Biktima ng kahol ng mga asong nakapalibot sa akin. ‘Di ko na gusto kahit ihip ng hangin. Tila bawat langhap at singhot ng hangin ay may kasamang tunog ng walang awang pasakit at suklob. 


‘Di ko na kaya.. Ano nga ba ang dapat kong gagawin?


-Adrian


----------------------------ABANGAN ANG SUSUNOD NA KABANATA------------------------------

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento